Saturday, September 1, 2012

Sipag at Tiyaga ni Simon Cuna



Ang pagiging matagumpay sa buhay ay hindi palaging nasusukat sa kasikatan, sa talino, galing sa mga isports, pagkakaroon ng mga gantimpala at iba pa. Sa maliit at simpleng bagay, maari nating ipagmalaki ang ating mga sarili. Ako si Manny, isang simpleng bata na may isang kahilingan sa buhay, sana’y mai-angat ko na ang aking pamilya sa kahirapan. Ako’y labintatlong taon na, ngunit nasa ika apat na taon ng elementarya lamang ako dahil hindi ako kayang buhayin ng aking sariling ama. Ako ay ulila sa aking ina noong limang taong gulang pa lang ako. Si tatay ay may dalawang anak sa ibang babae na kabit pala ng aking ama noong buhay pa si inay. Mas binibigyang pansin ng aking ama ang iba niyang mga anak. Para akong isang alila kung tratuhin nila. Porket nawala na si inay ay mas pahahalagahan niya ang kanyang pangalawang pamilya. Ang bahay namin ay nakatayo sa lupa ng mga magulang ni inay. Kay inay yun at hindi para sa ibang babae! Pero, dito na rin nakatira ang pangalawang pamilya ni tatay. Ako ang naging katulong nina itay: tagalinis ng bahay, taga-laba ng mga damit nila, taga-hugas ng mga pinagkainan nila, nagpapakain at nag-aalaga ng aming alagang baboy. Lahat iniuutos sa akin, lahat ng kahirapan ay binibigay sa akin. Ang mga edad naman nina Jerry at Lia ay di kalayuan sa akin. Bakit hindi nila ako tulungan? Alam ko mga kapatid ko sila sa labas, ngunit buong buhay ko ay di nila ako nirerespeto at tinatratong kapatid, di nila ako kayang tawaging “kuya” man lang! Lecheng buhay ito! Si Jerry ay labing dalawang taonng gulang at nasa ika anim na taon ng elementariya na siya. Si Lia naman ay sampung taong gulang at nasa ika apat na taon ng elementaria na siya. Hirap na hirap na ako sa buhay ko. Minsan nga ay tinatanong ko sa sarili ko kung pano ko napagsasabay ang pag-aaral, trabaho at mga emosyon ko sa buhay. Dumarating sa punto na gusto ko nang itigil ang pag-aaral ko dahil parang hindi ko talaga kaya lalo na kung ganito ang aking mga pinagdadaanan. Napakahirap ng aking sitwasyon. Estudyante, trabahador, utusan pa na may sirang pamilya, walang kakampi sa bahay, lahat ng kamalasan na pwedeng mangyari sa isang anak ay nasa akin!
Araw-araw, ako ang unang nagigising sa bahay. Alas tres palang ng madaling araw ay gising na ako upang maka-igib ng tubig sa kabilang barrio. Dalawang timba ang dinadala ko at kailangan kong bumalik doon ng halos apat na beses para meron kaming panligo, panlaba, panghugas ng mga pinggan, panlinis at iba pa. Kung tutuusin ay kulang pa nga ang walong timba ng tubig sa isang araw. Pagkatapos mag-igib ng tubig ay maghahanda na ako para sa almusal naming lahat. Minsan ay dadayo pa ako sa palengke kung may kulang na kasangkapan. Pagkaluto ko ay paliliguan ko ang aming alagang baboy at pakakainin ng kanyang almusal. Pagkatapos mag-alaga ng baboy, ay magwawalis pa ako ng saglit sa loob at labas na bahay. At pagkawalis ko ay palaging sakto sa pagtapos ng almusal nila. Kung ano ang matitira sa kanilang pagkain ay ang almusal ko. At pagkatapos nun eh ako pa ang maghuhugas ng mga pinggan. Akalain mo yun? Sila na nga ang nagpakasarap-buhay, sa akin ibubuhos lahat ng hirap! Pagkatapos ng lahat ng mga gawain ay maliligo ako at magpapahinga ako ng halos isang oras lamang mula alas-otso ng umaga hanggang alas-nuwebe ng umaga. Ang aking ama ay tagasukat ng lupa. Madalas niya akong sinasama pagkatapos ng aking trabaho sa bahay upang magkaroon siya ng katulong. Nagsusukat kami mula alas-diyes hanggang alas-dos ng hapon. Pagkauwi, doon palang ako makakapag-aral. Wala na talaga akong oras para mag-aral ng mabuti. Mahigit kalahating oras ang binabiyahe ko mula bahay hanggang paaralan. Ang klase ko ay nagsisimula ng alas-quatro ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi. Nakakauwi na ako ng alas-otso ng gabi at maghuhugas pa ng pinggan at magpapakain ng alagang baboy para sa kanyang hapunan. Nakakatulog na ako pagtapos ng mga gawaing yan dahil sa sobrang pagod kaya wala na akong oras sa pag-aaral ko.  
Isang araw, nagpakalayo ako. Hindi na ako nagpaalam sa aking ama, kasi alam ko pagbabawalan nila akong mamasyal at maggala, gusto nila akong magtrabaho lang at mag-asikaso ng gawaing bahay. Hindi na ako nakinig. Biruin mo, halos walong taon na akong walang kalayaan? Pumunta ako sa tabing dagat upang makapagpahinga, mag-isip, at makahanap ng kapayapaan. Tuwang-tuwa ako at parang nakakonek uli ako sa kalikasan. Nakatulog ako sa tabing dagat at napanaginipan ko ang mga paalala ng aking ina sa akin noong bata pa ako. Palagi niyang sinasabi sa akin noong buhay pa siya, na dapat maging magalang akong anak, mag-aral ng mabuti para sa aking kinabukasan, mahalin ang pamilya at ang Diyos. Kapag pinagsama-sama mo itong lahat, magtatagumpay ka sa buhay. Palagi niyang sinasabi na mahal tayo ng Diyos kahit anong mangyari at sa lahat ng kahirapan na nararanasan natin ay may kapalit na mabuting grasya. Nagising ako noong palubog na ang araw. Napangiti ako at nakita ko na pwede pa pala akong magbago, at dapat kong tingnan ang mga bagay sa magandang paraan. May pag-asa pa pala ako maging matagumpay sa aking buhay eh, kailangan ko lang baguhin ang dati kong ugali. Bukas ay Linggo, hihingi ako ng tulong sa aking mahal na Ama sa Langit. Ibabalik ko ang aking pananampalataya sa kanya para makilala ko uli ang aking sarili.
Tuwing gigising ako sa umaga, hindi na ako sisimangot, maninisi ng iba, at tatamarin sa kahit anong bagay. Naisip ko na kung ngayon ko babaguhin ang aking sarili ay mas masisiyahan ako sa buhay ko. Tuwing nagtatrabaho ako, iniisip ko nalang na lahat ng ito ay para sa aking ina na nagbigay sa akin ng inspirasyon. Kahit maltratuhin nila ako sa bahay, importante na wala akong ginagawang masama sa kanila at ako ay mayroong mabuting intensyon. Naging mabuti ang pakikitungo ko sa pamilya ng aking ama, at dahil natutunan kong mahalin ang mga ginagawa ko sa buhay, mas nagkakaroon ako ng motibasyon at inspirasyon mag-aral. Sinusulit ko ang kada minute ko sa araw-araw, kung dati ay tatamad-tamad akong gumawa ng gawaing bahay, ngayon ay mas sinisipag ako para magkaroon ng maraming oras at para ma bigyan prayoridad ang aking pag-aaral. Naniniwala ako na ang edukasyon ay ang pinakamahalagang regalo ng atin mga magulang. Kahit ganito ang aking siwasyon, nagpapasalamat ako dahil pinapaaral parin ako ng aking ama. Nag-aral ako ng mabuti at nakapagtapos ng elementary.
Noong high skul na ako, nagtayo ako ng fishball station sa labas ng aming bahay. Nahiligan ko na rin kasi ang nagging trabaho kong pagluluto dahil araw-araw kong ipinagluluto ang aking pamilya. Naisip ko, bakit hindi ko nga ba ginamit sa ibang lebel ang mga nagagawa ko? Buti at suporta naman si itay sa gusto ko. Imbis na tuwing pagkatapos kong magpahinga ay sasama ako kay itay upang magsukat ng lupa, ginagamit ko itong oras para magluto at magbenta ng mga fishball. Nakaipon ako at sawakas, nakapagtapos ako ng high skul. Nahiligan ko na talaga ang pagluluto. Pumunta ako sa Maynila upang mag-aral ng pagluluto. Kumuha ng 2-year course sa culinary arts. Madami akong natutunang mga putahe, iba’t-iba talaga! Nag on the job training ako sa isang restaurant kung saan nakita nila ang aking galing at hilig sa pagluluto. Nakapagtapos ako ng 2-year vocational course at inirekomenda ako ng aking mga guro at may-ari ng restaurant ng nag-on the job training ako, sa isang mamahaling restaurant. Makalipas ang ilang buwan ay tumaas na ang aking posisyon at nakaipon din ako. Tuwing nakakasweldo ako, nagpapadala ako kina itay, nakaipon din sila at lumalawak ang dating negosyo na fishball stand at naging isang kalendirya. Nagkakasundo na kaming lahat at ang nagpapatakbo ng aming kalendirya ay ang nanay ng aking mga kapatid sa labas. Maayos na ang aming samahan, sa wakas!
Bumalik ako sa aming bahay at kitang-kita ko na masaya ang lahat, lumaki na ang negosyo, lahat kaming mga anak ni itay ay nakapagtapos na sa pag-aaral at may sari-sariling trabaho. Nagpapasalamat ako sa nanay ko na patuloy akong ginagabayan at syempre sa Diyos sa lahat ng kabutihang nangyari sa aking buhay. Patuloy kong minahal ang pagluluto at ang aking trabaho. Kung hindi ko napagdaanan ang lahat ng mga nangyari dati, hindi ko na alam kung ano mag bibigay ng inspirasyon sa akin upang gumawa ng mabubuting bagay, hindi lang para sa akin, kung hindi para rin sa iba. 

No comments:

Post a Comment